Skip to content
BibleKenya

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible 2025

Mga Salmo 91

Ang sinumang nananahan

sa piling ng Kataas-taasang Diyos

na Makapangyarihan

ay kakalingain niya.

Ito ang masasabi ko tungkol sa Panginoon,

“Siya ang kumakalinga

at nagtatanggol sa akin.

Siya ang aking Diyos

at sa kanya ako nagtitiwala.”

Tiyak na ililigtas ka niya

sa bitag ng masasama

at sa mga nakamamatay na salot.

Iingatan ka niya

gaya ng pag-iingat ng inahin

sa kanyang mga inakay

sa pamamagitan ng kanyang pakpak.

Ang kanyang katapatan

ang iyong magiging pananggalang

at tanggulan.

At sa gabi, hindi ka matatakot

sa anumang bagay,

maging sa palaso ng mga kaaway,

kapag sumapit ang araw,

o sa sakit at mga salot na dumarating

sa gabi man o araw.

Kahit libu-libo pa ang mamatay

sa paligid mo,

wala pa ring masamang mangyayari saʼyo.

Matutunghayan mo lamang

kung paano pinaparusahan

ang mga taong masasama.

Dahil ginawa mong kanlungan ang Panginoon,

ang Kataas-taasang Diyos na aking tagapagtanggol,

walang kasamaan, kalamidad

o anumang salot

ang darating sa iyo o sa iyong tahanan.

Sapagkat uutusan ng Diyos

ang kanyang mga anghel

na ingatan ka saan ka man magpunta.

Bubuhatin ka nila upang hindi tumama

ang iyong mga paa sa bato.1

Tatapakan mo ang mga leon

at mga makamandag na ahas.

Sinabi ng Diyos,

“Ililigtas ko at iingatan ang umiibig

at kumikilala sa akin.

Kapag tumawag siya sa akin,

sasagutin ko siya.

Sasamahan ko siya,

sa oras ng kaguluhan.

Ililigtas ko siya at pararangalan.

Bibigyan ko siya ng mahabang buhay

at ipararanas ko sa kanya

ang aking pagliligtas.”

Source notes (1)
  1. Footnote Bubuhatin … bato : Ang ibig sabihin, Iingatan ka nila upang hindi ka masaktan.

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible 2025. Copyright © Biblica, Inc. Licensed under CC BY-SA 4.0. Source: Open.Bible. Typeset from the source files; no intended changes to scripture wording. BibleKenya is not endorsed by the rights holder.

Full source notice & licence · CC BY-SA 4.0 · SourceEdition imported 2026-11-09.

BibleKenya

Reader settings

Theme
Font
Alignment
Reading width

Saved in this browser and used offline too. Press ? for keyboard shortcuts.