Skip to content
BibleKenya

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible 2025

Mga Salmo 92

Awit na inaawit sa Araw ng Pamamahinga.

Kataas-taasang Diyos na Panginoon namin,

napakasarap magpasalamat

at umawit ng papuri sa inyo.

Napakasarap ipahayag

ang inyong pag-ibig at katapatan,

araw at gabi,

habang tumutugtog ng mga instrumentong

may kuwerdas.

Sapagkat pinasaya nʼyo ako, Panginoon,

sa pamamagitan ng inyong

mga kahanga-hangang gawa.

At dahil dito, akoʼy umaawit sa tuwa.

O Panginoon, kay dakila ng inyong //mga gawa.

Hindi namin kayang unawain.

Hindi maunawaan ng mga hangal at matitigas ang ulo

na kahit umunlad ang taong masama

gaya ng damong lumalago,

ang kahahantungan pa din niya

ay walang hanggang kapahamakan.

Ngunit kayo, Panginoon,

ay dakila sa lahat magpakailanman.

Tiyak na mapapahamak

ang lahat ng inyong kaaway

at kakalat ang lahat

ng gumagawa ng masama.

Pinalakas nʼyo ako na

tulad ng lakas ng toro

at binigyan nʼyo rin ako ng kagalakan.1

Nasaksihan ko ang pagkatalo

ng aking mga kaaway,

at narinig ko ang pagdaing ng masasamang kumakalaban sa akin.

Uunlad ang buhay ng mga matuwid

gaya ng mga palma,

at tatatag na parang puno ng sedro

na tumutubo sa Lebanon.

Para silang mga punong itinanim sa templo ng Panginoon na ating Diyos,

na tumutubo nang mayabong,

lumalago at namumunga

kahit matanda na,

berdeng-berde ang mga dahon

at nananatiling matatag.

Ipinapakita lamang nito na ang Panginoon,

ang aking Batong kanlungan, ay matuwid.

Sa kanyaʼy walang anumang

kalikuan na matatagpuan.

Source notes (1)
  1. Footnote binigyan nʼyo rin ako ng kagalakan : Sa literal, pinahiran ako ng magandang klase ng langis.

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible 2025. Copyright © Biblica, Inc. Licensed under CC BY-SA 4.0. Source: Open.Bible. Typeset from the source files; no intended changes to scripture wording. BibleKenya is not endorsed by the rights holder.

Full source notice & licence · CC BY-SA 4.0 · SourceEdition imported 2026-11-09.

BibleKenya

Reader settings

Theme
Font
Alignment
Reading width

Saved in this browser and used offline too. Press ? for keyboard shortcuts.