Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible 2025
Ang Awit 2
Babae
Akoʼy isang bulaklak lamang ng Saron,
isang liryo sa lambak.
Lalaki
Kung ihahambing sa ibang kababaihan,
ang irog koʼy tulad ng liryo
sa gitna ng matinik na halamanan.
Babae
Kung ihahambing sa ibang kabinataan,
ang mahal koʼy tulad ng puno ng mansanas
sa gitna ng mga puno sa kagubatan.
Nananabik akong maupo sa lilim niya,
at tikman ang matamis niyang bunga.
Dinala niya ako sa isang handaan
upang ipakita sa lahat na ako
ay kanyang minamahal.
Pakainin ninyo ako ng pasas at mansanas
upang akoʼy muling lumakas,
sapagkat nanghina ako dahil sa pag-ibig.
Ulo koʼy nakaunan sa kaliwa niyang bisig
at ang kanang kamay naman niya
ay nakayakap sa akin.
Kaya kayong mga dalaga ng Jerusalem,
mangako kayo sa pamamagitan
ng mga batang usa at gasela,
na hindi ninyo hahayaang ang pag-ibig
ay umusbong hanggaʼt
hindi pa dumarating
ang tamang panahon.
Ayan na!
Naririnig ko nang paparating
ang aking mahal.
Dumarating siyang patalon-talon
na parang usa sa mga bundok
at burol.
Ang aking minamahal
ay tulad ng batang usa.
Tingnan ninyo! Naroon siyaʼt
nakatayo sa likod ng pader,
nakamasid sa may bintana,
dumudungaw sa kurtina.
Sinabi niya sa akin,
“Halika na irog kong maganda
at sa akin ay sumáma ka.
Tapos na ang panahon
ng taglamig at tag-ulan.
Namumukadkad na
ang mga bulaklak sa parang,
panahon na ng pag-aawitan
at maririnig na rin ang huni
ng mga kalapati sa kabukiran.
Ang mga bunga ng igos ay hinog na1
at humahalimuyak ang bulaklak
ng mga ubas.
Halika na irog kong maganda,
sa akin ay sumáma ka na.”
Lalaki
Aking kalapating nagtatago
sa mga bitak ng malaking bato,
sa mga taguan sa bangin.
Ipakita mo sa akin ang iyong mukha,
at iparinig din ang iyong tinig,
dahil napakalambing ng tinig mo,
at napakaganda ng mukha mo.
Mga Babae ng Jerusalem
Bilis!
Hulihin ang mga asong-gubat2 na sumisira
ng aming mga ubasang namumulaklak.
Babae
Akin lang ang mahal ko,
at ako naman ay kanya lang.
Nagpapastol siya
sa gitna ng mga liryo.
Bago magbukang-liwayway
at magliwanag,
magbalik ka, mahal ko.
Tumakbo ka na kasimbilis
ng batang usa o gasela sa kabundukan.
Source notes (2)
- Footnote Ang mga bunga ng igos ay hinog na : O Ang mga puno ng igos ay namumunga na.
- Footnote asong-gubat : Sa Ingles, fox.
Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible 2025. Copyright © Biblica, Inc. Licensed under CC BY-SA 4.0. Source: Open.Bible. Typeset from the source files; no intended changes to scripture wording. BibleKenya is not endorsed by the rights holder.
Full source notice & licence · CC BY-SA 4.0 · SourceEdition imported 2026-11-09.