Skip to content
BibleKenya

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible 2025

Ang Awit 1

Ang pinakamagandang awit ni Solomon.1

Babae

Paliguan mo ako ng iyong mga halik.

Sapagkat mas matamis pa

kaysa alak ang iyong pag-ibig.

Kay sarap amuyin ng iyong pabango,

at ang ganda ng pangalan mo,

kaya hindi kataka-takang

ang mga dalagaʼy napapaibig sa iyo.

Sige na, O aking hari,

dalhin mo ako sa iyong silid.

Mga Babae ng Jerusalem

Sa piling mo,2

kami ay maligaya.

Mas gusto pa namin ang pag-ibig mo

kaysa anumang inumin.

Babae

Tama lang na umibig sila sa iyo!

O mga babaeng taga-Jerusalem,

maitim nga ako //gaya ng mga tolda sa Kedar,

ngunit maganda naman tulad ng kurtina

sa palasyo ni Solomon.

Huwag ninyo akong hamakin3

dahil sa kulay ng aking balat.

Maitim nga sapagkat nabibilad

sa init ng araw.

Nagalit sa akin //ang mga kapatid kong lalaki,

at doon sa ubasan //akoʼy pinagtrabaho nila.

Dahil ditoʼy napabayaan ko

ang sarili ko.4

Mahal, sabihin mo sa akin

kung saan ka nagpapastol

ng iyong kawan ng mga tupa.

Saan mo sila pinagpapahinga

tuwing tanghali?

Sabihin mo sa akin upang hindi na kita hanapin

sa mga kaibigan mong nagpapastol din.

Dahil baka akoʼy mapagkamalan

na isang babaeng bayaran.

Mga Kaibigan

Kung hindi mo alam,

O babaeng ubod ng ganda,

sundan ang bakas ng aking mga tupa.

Papunta ito sa tolda //ng mga pastol,

at mga batang kambing mo

ay doon mo na rin ipastol.

Lalaki

O irog ko, tulad moʼy isang babaeng kabayo

ng karwahe ng hari ng Ehipto.5

Napakaganda ng iyong mga pisngi,

na lalong pinaganda ng mga alahas.

O anong ganda rin ng iyong leeg

na sinuotan ng kuwintas.

Ikaʼy igagawa namin ng alahas

na yari sa mga ginto at pilak.

Babae

Habang ang hariʼy nasa kanyang mesa,

pabango koʼy humahalimuyak.

Parang samyo ng mira

ang bango ng aking iniibig,

habang sa aking dibdib

siya ay nakahilig.

Ang mahal koʼy tulad ng kumpol

ng mga bulaklak na henna,

na namumulaklak doon

sa ubasan ng En-gedi.6

Lalaki

Napakaganda mo, aking giliw.

Mga mata moʼy kasimpungay

ng mga mata ng kalapati.

Babae

Kay kisig mo, mahal ko.

Napakaganda mong pagmasdan!

Ang damuhang luntian ang ating higaan.

Lalaki

Ang mga haligi ng ating tahanan

ay mga sedro,

at mga sipres naman ang mga biga nito.

Source notes (6)
  1. Footnote ni Solomon : O para kay Solomon o tungkol kay Solomon.
  2. Footnote Sa piling mo : Ang ibig sabihin, sa piling ng lalaki.
  3. Footnote hamakin : O tingnan.
  4. Footnote ang sarili ko : Sa literal, ang sarili kong ubasan.
  5. Footnote hari ng Ehipto : Sa Hebreo, Faraon.
  6. Footnote En-gedi : Isang lugar sa disyerto kung saan may tubig at halaman. Sa Ingles, oasis.

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible 2025. Copyright © Biblica, Inc. Licensed under CC BY-SA 4.0. Source: Open.Bible. Typeset from the source files; no intended changes to scripture wording. BibleKenya is not endorsed by the rights holder.

Full source notice & licence · CC BY-SA 4.0 · SourceEdition imported 2026-11-09.

BibleKenya

Reader settings

Theme
Font
Alignment
Reading width

Saved in this browser and used offline too. Press ? for keyboard shortcuts.