Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible 2025
Mga Salmo 99
Naghahari ang Panginoon
at nakaupo sa gitna ng mga kerubin.
Kaya ang mga taoʼy nanginginig sa takot
at ang mundoʼy nayayanig.
Makapangyarihan ang Panginoon sa Zion,1
dinadakila siya sa lahat ng bansa.
Magpupuri ang mga tao sa kanya
dahil siya ay makapangyarihan at kagalang-galang.
Siya ay banal!
Siyaʼy Haring makapangyarihan at ang nais niyaʼy katarungan.
Sa kanyang paghatol ay wala siyang kinikilingan.
Ang ginagawa niya sa Israel2
ay matuwid at makatarungan.
Purihin ang Panginoon na ating Diyos.
Sambahin siya sa kanyang trono.3
Siya ay banal!
Sina Moises at Aaron ay kanyang mga pari,
at si Samuel ay isa sa mga nanalangin sa kanya.
Tumawag sila sa Panginoon
at tinugon niya sila.
Nakipag-usap siya sa kanila
mula sa ulap na parang haligi;
sinunod nila ang mga katuruan
at tuntunin na kanyang ibinigay.
Panginoon naming Diyos,
sinagot nʼyo ang dalangin ng inyong mga mamamayan.4
Ipinakita nʼyo sa kanila na kayo ay Diyos na mapagpatawad
kahit na pinarusahan nʼyo sila sa kanilang mga kasalanan.
Purihin ang Panginoon na ating Diyos.
Sambahin siya sa kanyang banal na Bundok,
dahil ang Panginoon na ating Diyos ay banal.
Source notes (4)
- Footnote dup Zion : O Jerusalem.
- Footnote Israel : Sa Hebreo, Jacob.
- Footnote trono : Sa literal, tuntungan ng paa.
- Footnote ng inyong mga mamamayan : Sa Hebreo, nila ; Maaari ding sina Moises, Aaron at Samuel ang tinutukoy gaya ng nakasulat sa talata 6|PSA 99:6.
Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible 2025. Copyright © Biblica, Inc. Licensed under CC BY-SA 4.0. Source: Open.Bible. Typeset from the source files; no intended changes to scripture wording. BibleKenya is not endorsed by the rights holder.
Full source notice & licence · CC BY-SA 4.0 · SourceEdition imported 2026-11-09.