Skip to content
BibleKenya

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible 2025

Mga Salmo 97

Ang Panginoon ay naghahari!

Kaya magalak ang mundo,

pati na ang mga isla.

Napapalibutan siya ng makakapal na ulap

at naghahari nang may katuwiran at katarungan.

May apoy sa unahan niya

at sinusunog nito ang mga kaaway niyang

nakapalibot sa kanya.

Ang mga kidlat

niyaʼy nagliliwanag sa mundo.

Nanginginig sa takot ang mga tao

kapag nakikita ito.

Natutunaw na parang kandila

ang mga kabundukan

sa presensya ng Panginoon,

ang Panginoon na naghahari

sa buong mundo.

Ipinapahayag ng langit ang kanyang katuwiran,

at nakikita ng lahat ng tao

ang kanyang kaluwalhatian.

Mapapahiya ang lahat ng sumasamba

sa mga diyos-diyosan

at ang mga ipinagmamalaki ang mga ito.

Kayong lahat na mga diyos-diyosan

lumuhod at sambahin ninyo ang Diyos.

Panginoon, narinig ng mga taga-Zion1

at ng mga taga-Juda ang tungkol sa inyong

wastong pamamaraan ng pamamahala,

kaya tuwang-tuwa sila.

Dahil kayo, Panginoon, ang Kataas-taasang Diyos

ay naghahari sa buong mundo.

Higit kayong dakila kaysa

sa lahat ng mga diyos.

Kayong mga umiibig sa Panginoon

ay dapat mamuhi sa kasamaan.

Dahil iniingatan ng Panginoon

ang buhay ng kanyang mga tapat na mamamayan

at inililigtas niya sila sa masasama.

Ang kabutihan ng Diyos

ay sumisinag sa matutuwid

at nagbibigay ito ng kagalakan sa kanila.

Kayong matutuwid, magalak kayo sa Panginoon.

Pasalamatan siya at purihin

ang kanyang pangalan!

Source notes (1)
  1. Footnote dup Zion : O Jerusalem.

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible 2025. Copyright © Biblica, Inc. Licensed under CC BY-SA 4.0. Source: Open.Bible. Typeset from the source files; no intended changes to scripture wording. BibleKenya is not endorsed by the rights holder.

Full source notice & licence · CC BY-SA 4.0 · SourceEdition imported 2026-11-09.

BibleKenya

Reader settings

Theme
Font
Alignment
Reading width

Saved in this browser and used offline too. Press ? for keyboard shortcuts.