Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible 2025
Mga Salmo 75
Para sa direktor ng mga mang-aawit: Awit na isinulat ni Asaf. Inaawit sa tono ng awiting, “Huwag Sirain!”
O Diyos, nagpapasalamat kami sa inyo.
Nagpapasalamat kami
dahil malapit kayo sa amin.
Ipinapahayag ng mga tao
ang inyong mga kahanga-hangang gawa.
Sinabi nʼyo O Diyos, “May itinakda akong
panahon ng paghatol
at hahatol ako nang walang kinikilingan.”
Kapag yumanig ang mundo
at ang mga taoʼy magkagulo sa takot,
ako ang magpapatibay ng pundasyon //ng mundo.
Sinasabi ko sa mga hambog,
“Huwag kayong magyabang”
at sa masasama,
“Huwag ninyong ipagmalaki
ang inyong kakayahan.
Tigilan nʼyo na ang pagmamalaki
na kayo ay nanalo
at magpakumbaba na kayo.”
Dahil ang tagumpay ng taoʼy
hindi nagmumula sa kung saan-saan,1
kundi sa Diyos lamang.
Siya ang humahatol;
kung sino ang ibababa
at kung sino ang itataas.
Dahil ang Panginoon ang humahawak ng kopa
na puno ng bumubulang matapang na alak.
Ibinubuhos niya ito at ipinaiinom //sa masasama
hanggang sa huling patak.
Ngunit ako, walang tigil kong ipahahayag
ang tungkol sa Diyos ni Jacob,
aawit ako ng mga papuri para sa kanya.
Aalisin niya2 ang kakayahan ng masasama,3
ngunit dadagdagan niya
ang kapangyarihan ng matutuwid.
Source notes (3)
- Footnote kung saan-saan : Sa literal, sa silangan o kanluran o sa ilang.
- Footnote niya : Sa Hebreo, ko.
- Footnote Aalisin niya … masasama : Sa Hebreo, Puputulin ko ang lahat ng sungay ng masasamâ.
Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible 2025. Copyright © Biblica, Inc. Licensed under CC BY-SA 4.0. Source: Open.Bible. Typeset from the source files; no intended changes to scripture wording. BibleKenya is not endorsed by the rights holder.
Full source notice & licence · CC BY-SA 4.0 · SourceEdition imported 2026-11-09.