Skip to content
BibleKenya

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible 2025

Job 26

Sumagot si Job

Sumagot si Job,

“Ang akala mo baʼy natulungan mo

ang walang kakayahan at nailigtas ang mahihina?

Ang akala mo baʼy napayuhan mo

ang kapos sa karunungan

sa pamamagitan ng iyong karunungan?

Saan ba nanggaling

ang mga sinasabi mong iyan?

Sinong espiritu ang nagturo sa iyo

na sabihin iyan?

“Nanginginig sa takot ang mga patay

sa kinalalagyan nila sa ilalim ng tubig.

Lantad sa paningin ng Diyos

ang lugar ng mga patay.

Hindi maitatago ang lugar ng kapahamakan.

Inilatag ng Diyos ang kalawakan //sa hilaga

at ibinitin ang mundo //sa kawalan.

Ibinabalot niya ang ulan

sa makakapal na ulap,

ngunit hindi ito napupunit

gaano man kabigat.

Tinatakpan niya ng makapal na ulap

ang bilog na buwan.1

Nilagyan niya ng hangganan

ang langit at dagat

na parang hangganan din

ng liwanag at dilim.

Sa pagsaway niya

ay nayayanig ang mga haligi ng langit.

Sa kanyang kapangyarihan

ay pinaaalon niya ang dagat;

sa kanyang karunungan

ay tinalo niya si Rahab.

Sa pamamagitan ng pag-ihip niya

ay umaaliwalas ang langit,

at sa kanyang kapangyarihan

pinatay niya ang gumagapang //na ahas.2

Mga simpleng bagay lang ito para sa kanya.

Parang isang bulong lang

na ating napakinggan.

Sino ngayon ang makakaunawa

sa kapangyarihan ng Diyos?”

Source notes (2)
  1. Footnote bilog na buwan : O trono.
  2. Footnote ahas : O Leviatan.

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible 2025. Copyright © Biblica, Inc. Licensed under CC BY-SA 4.0. Source: Open.Bible. Typeset from the source files; no intended changes to scripture wording. BibleKenya is not endorsed by the rights holder.

Full source notice & licence · CC BY-SA 4.0 · SourceEdition imported 2026-11-09.

BibleKenya

Reader settings

Theme
Font
Alignment
Reading width

Saved in this browser and used offline too. Press ? for keyboard shortcuts.