Skip to content
BibleKenya

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible 2025

Isaias 16

Ang mga taga-Moab

na nagsitakas sa Sela,

na isang bayan sa ilang

ay nagpadala ng mga batang tupa

bilang regalo sa hari ng Jerusalem1.

Ang mga babaeng taga-Moab

na nasa tawiran ng Arnon

ay parang mga ibong binulabog

sa kanilang mga pugad.

Sabi ng taga-Moab,

“Payuhan ninyo kami,

magpasya kayo kung

ano ang dapat gawin.

Liliman sana kami ng inyong anino

mula sa init ng araw

sa tanghaling-tapat.

Ikubli ninyo kaming nagsitakas

mula sa aming bayan;

huwag ninyong isuko,

kaming mga wala nang tahanan.

Hayaan sana ninyong kami

ay manatili sa inyong piling,

at kamiʼy ipagtanggol sa

mga gustong lumipol sa amin.”

Matatapos ang pang-aapiʼt

pang-aalipusta,

ang pagwawasak ay titigil na,

at ang mga yumuyurak

ay tuluyan nang mawawala.

Itatatag ang trono

ng isang nagmumula sa lahi ni David.

Siyaʼy mamumuno nang

may pagmamahal at katapatan;

isang hukom

na makatarungan ang hatol,

at maagap gawin

kung ano ang matuwid.

Nabalitaan naming masyadong

mapagmalaki ang mga taga-Moab.

Ang pagmamataas at kahambugan nila

ay walang kabuluhan.

Kaya iiyakan ng mga taga-Moab

ang kanilang bansa.

Iiyak silang lahat

dahil sa pagkawala

ng masasarap nilang pagkain

sa Kir-hareset.

Nasira ang mga bukid sa Hesbon

pati na ang mga ubasan sa Sibma.

Winasak ng mga pinuno ng mga bansa

ang mga ubasan hanggang sa Jazer

patungo sa disyerto

at umabot pa hanggang sa Dagat na Patay.

Kaya umiiyak ako tulad ng mga taga-Jazer,

dahil sa ubasan ng Sibma.

Iniiyakan ko

ang Hesbon at Eleale

dahil hindi na maririnig

ang masasaya nilang hiyawan

dahil sa masaganang ani.

Naglaho ang kagalakan nila at kasayahan

sa kanilang mga ubasan.

Wala nang umaawit o humihiyaw

sa mga ubasan.

Wala na ring pumipisa ng ubas

para gawing alak.

Pinatigil na ng Panginoon2

ang kanilang hiyawan.

Kaya nalulungkot ako

sa sinapit ng Moab

na katulad ng malungkot

na tugtugin ng alpa.

Nalulungkot din ako

sa sinapit ng Kir-hareset.

Mapapagod lang ang mga taga-Moab

sa kababalik sa kanilang mga sambahan

sa matataas na lugar.

At wala ring kabuluhan

ang kanilang pagpunta

sa kanilang mga altar

para manalangin.

Iyon ang sinabi noon ng Panginoon tungkol sa Moab. At ngayon, ito ang sinabi ng Panginoon, “Sa loob ng tatlong taon, mawawala ang karangalan ng Moab at malalagay sa kahihiyan ang kanyang mga mamamayan. Iilan lang ang matitirang buhay sa mga mamamayan nito at mahihina pa.”

Source notes (2)
  1. Footnote Jerusalem : Sa literal, sa bundok ng mga anak na babae ng Zion.
  2. Footnote Pinatigil na ng Panginoon : Sa Hebreo, Pinatigil ko na. Nagsasalita rito ang Panginoon sa pamamagitan ni Isaias.

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible 2025. Copyright © Biblica, Inc. Licensed under CC BY-SA 4.0. Source: Open.Bible. Typeset from the source files; no intended changes to scripture wording. BibleKenya is not endorsed by the rights holder.

Full source notice & licence · CC BY-SA 4.0 · SourceEdition imported 2026-11-09.

BibleKenya

Reader settings

Theme
Font
Alignment
Reading width

Saved in this browser and used offline too. Press ? for keyboard shortcuts.