Skip to content
BibleKenya

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible 2025

Isaias 15

Ang Pahayag Laban sa Moab

Ang pahayag na itoʼy tungkol sa Moab:

Sa loob lamang ng isang gabi

ay nawasak ang lungsod ng Ar

at Kir na sakop ng Moab.

Umahon ang mga taga-Dibon

mula sa kanilang templo

at sa kanilang mga sambahan

sa matataas na lugar para umiyak.

Iniiyakan ng mga taga-Moab

ang Nebo at Medeba.

Ang bawat isa sa kanilaʼy nagpakalbo

at nagpaahit ng mga balbas.

Nakadamit sila ng sako1

habang lumalakad sa lansangan.

Humahagulgol sila

sa tuktok ng bubong

at sa mga plasa.

Umiiyak ang mga taga-Hesbon

at ang mga taga-Eleale

at naririnig ito hanggang sa Jahaz.

Kaya ang mga sundalo ng Moab

ay sumisigaw nang malakas

at nanghihina sa takot.

Nalungkot ako

dahil sa nangyari sa Moab.

Nagsitakas ang kanyang

mga mamamayan papuntang Zoar

hanggang sa Eglat-selisiya.

Nag-iiyakan sila

habang umaahon papuntang Luhit.

Ang iba sa kanila

ay humahagulgol patungo sa Horonaim,

dahil sa kanilang sinapit.

Natuyo ang mga sapa ng Nimrim

at nalanta ang mga damo.

Ang kaparangan ay nalanta

at anumang luntian

ay nawala na.

Kaya dinala nila sa kabila

ng daluyan ng tubig ng Herabim

ang mga ari-arian

at kayamanang natipon nila.

Ang iyakan nila ay maririnig

sa hangganan ng Moab,

mula sa Eglaim hanggang

sa Beer-elim.

Naging pula sa dugo

ang tubig ng Dibon2,

ngunit higit pa diyan ang gagawin ko:

Magpapadala ako ng mga leon

na lalapa sa mga nagsisitakas

mula sa Moab

at sa mga naiwan doon.

Source notes (2)
  1. Footnote nakadamit sila ng sako : Tanda ng pagsisisi.
  2. Footnote Dibon : O Dimon.

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible 2025. Copyright © Biblica, Inc. Licensed under CC BY-SA 4.0. Source: Open.Bible. Typeset from the source files; no intended changes to scripture wording. BibleKenya is not endorsed by the rights holder.

Full source notice & licence · CC BY-SA 4.0 · SourceEdition imported 2026-11-09.

BibleKenya

Reader settings

Theme
Font
Alignment
Reading width

Saved in this browser and used offline too. Press ? for keyboard shortcuts.