banal na Bibliya
Mga Awit 24
Ang buong lupain ay kay Yahweh, ang daigdig at ang lahat ng naninirahan dito. Dahil itinatag niya ito sa mga karagatan at itinaguyod sa mga ilog. Sino ang aakyat sa bundok ni Yahweh? Sino ang tatayo sa kaniyang banal na lugar? Siya na may malinis na mga kamay at dalisay na puso; siyang hindi nagtatanghal ng mga kasinungalingan, at hindi nanunumpa para lang manlinlang. Makatatanggap siya ng pagpapala mula kay Yahweh at katuwiran mula sa Diyos ng kaniyang kaligtasan. Iyan ang salinlahi ng mga naghahanap sa kaniya, sila na humahanap sa mukha ng Diyos ni Jacob. Selah Bumukas kayo, kayong mga tarangkahan, bumukas kayo, kayong walang-hanggang mga pintuan, para ang Hari ng kaluwalhatian ay makapasok! Sino ang Hari ng kaluwalhatian? Si Yahweh, ang malakas at makapangyarihan; si Yahweh, ang makapangyarihan sa digmaan. Bumukas kayo, kayong mga tarangkahan, bumukas kayo, kayong walang-hanggang mga pintuan, para ang Hari ng kaluwalhatian ay makapasok! Sino ang Hari ng kaluwalhatian? Si Yahweh ng mga hukbo, siya ang Hari ng kaluwalhatian. Selah
banal na Bibliya. Copyright © 2018 Door43 World Missions Community. Licensed under CC BY-SA 4.0. Source: eBible.org. Typeset from the source files; no intended changes to scripture wording. BibleKenya is not endorsed by the rights holder.
Full source notice & licence · CC BY-SA 4.0 · SourceEdition imported 2026-10-25.