Skip to content
BibleKenya

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible 2025

Zacarias 3

Ang Paglilinis para sa Punong Pari

Ipinakita sa akin ng Panginoon ang punong pari na si Josue na nakatayo sa harapan ng anghel ng Panginoon. Nakatayo naman sa gawing kanan niya si Satanas upang paratangan siya.1 Ngunit sinabi ng anghel ng Panginoon kay Satanas, “Ayon sa Panginoon na pumili sa Jerusalem, mali ka Satanas. Hindi baʼt ito ang taong tulad ng nagniningas na panggatong na hinila mula sa apoy?”

Marumi ang damit ni Josue habang nakatayo siya sa harapan ng anghel. Kaya sinabi ng anghel sa iba pang mga anghel na nakatayo sa harapan ni Josue, “Hubarin ninyo ang kanyang maruming damit.”

Pagkatapos, sinabi ng anghel kay Josue, “Inalis ko na ang iyong mga kasalanan. Ngayon, bibihisan kita ng bagong damit.”2

At sinabi ko, “Suotan din ninyo siya ng malinis na turban sa ulo.” Kaya binihisan nila siya ng bagong damit at nilagyan ng malinis na turban habang nakatayo at nakatingin ang anghel ng Panginoon.

Pagkatapos, ibinilin ng anghel ng Panginoon kay Josue ang sinabi ng Panginoon ng mga Hukbo: “Kung susunod ka sa akin at gagawin ang aking mga iniuutos, ikaw ang mamamahala sa aking templo at sa mga bakuran nito. At papayagan kitang lumapit sa aking harapan kasama ng mga nakatayo rito.

“Ngayon, makinig ka, Josue na punong pari: Ikaw at ang mga kapwa mo pari ay larawan ng mga darating na pangyayari. Dadalhin ko ang aking lingkod, ang tinatawag na Sanga.3 Tingnan mo ang batong inilagay ko sa iyong harapan, mayroon itong pitong mata.4 Uukitan ko ito, at aalisin ang kasalanan ng lupain ng Israel sa loob lamang ng isang araw,5 sabi ng Panginoon ng mga Hukbo.

“Sa araw na iyon, aanyayahan ng bawat isa sa inyo ang inyong mga kapitbahay na umupo sa ilalim ng inyong mga ubasan at puno ng igos. Ako, ang Panginoon ng mga Hukbo, ang nagsasabi nito.”

Source notes (5)
  1. Footnote Pinaratangan ni Satanas ang punong pari na si Josue pati ang mga kapwa nito Israelita dahil sa kanilang mga kasalanan, at inaakala ni Satanas na hindi na kaaawaan ng Panginoon ang mga ito.
  2. Footnote bagong damit : O damit ng pari o damit na mamahalin.
  3. Footnote Sanga : Isang tawag ito sa Mesias (ang hari na hinihintay ng mga Israelita).
  4. Footnote mata : O bukal.
  5. Footnote sa loob … araw : O isang beses lang.

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible 2025. Copyright © Biblica, Inc. Licensed under CC BY-SA 4.0. Source: Open.Bible. Typeset from the source files; no intended changes to scripture wording. BibleKenya is not endorsed by the rights holder.

Full source notice & licence · CC BY-SA 4.0 · SourceEdition imported 2026-11-09.

BibleKenya

Reader settings

Theme
Font
Alignment
Reading width

Saved in this browser and used offline too. Press ? for keyboard shortcuts.