Skip to content
BibleKenya

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible 2025

Zacarias 11

Kayong mga taga-Lebanon,

buksan ninyo ang mga pintuan

ng inyong lungsod

upang makapasok ang apoy na susunog

sa inyong mga puno ng sedro.

Tumangis kayo!

Sapagkat kung paanong natumba

ang matatayog ninyong mga puno ng sedro,

ganoon din masisira ang mga puno ng sipres

at mga puno ng ensina ng Bashan.1

Umiiyak ang mga pastol

dahil nasira ang kanilang berdeng pastulan.

Pati ang mga leon2 ay umaatungal

dahil nasira ang lambak ng Jordan

na kanilang tinitirhan.

Ang Dalawang Pastol

Ito ang sinabi ng Panginoon kong Diyos: “Alagaan mo ang mga tupang3 kakatayin. Kinakatay sila ng mga bumibili sa kanila at hindi napaparusahan ang mga ito. Ang mga nagtitinda naman sa kanila ay nagsasabi, ‘Purihin ang Panginoon! Mayaman na ako!’ Pati ang kanilang mga pastol ay hindi naaawa sa kanila. Sapagkat hindi ko na rin kahahabagan ang mga nakatira sa lupaing ito,” sabi ng Panginoon. “Ipapaubaya ko ang bawat tao sa kamay ng kanyang kapwa at ng kanyang hari. Ipapahamak nila ang lupaing ito, at hindi ko ito ililigtas sa kanilang mga kamay.”

Kaya inalagaan ko ang mga tupang kakatayin ng mga nagbebenta ng mga tupa.4 Kumuha ako ng dalawang tungkod; ang isa ay tinawag kong Kabutihan5 at ang isa naman ay tinawag kong Pagkakaisa. Pinaalis ko ang tatlong pastol sa loob lamang ng isang buwan.

Naubos na ang pasensya ko sa kanila,6 at sila rin ay galit sa akin. Pagkatapos, sinabi ko sa mga tupa, “Hindi na ako ang inyong pastol. Hayaang mamatay ang mga naghihingalo at mapahamak ang mga mapapahamak. At ang mga matitira ay hayaang kainin ang laman ng isaʼt isa.”

Pagkatapos, kinuha ko ang tungkod na tinatawag na Kabutihan at binali ko upang ipahiwatig na ipinawalang-bisa ng Panginoon ang kanyang kasunduan sa mga tao. Kaya ng araw ding iyon, ipinawalang-bisa ang kasunduan. At nalaman ng mga nagbebenta ng mga tupa7 na nanonood sa akin na may mensahe ang Panginoon sa mga ginagawa kong ito.

Sinabi ko sa kanila, “Kung sa palagay ninyo ay dapat akong bigyan ng sahod, ibigay ninyo ang sahod ko. Ngunit kung hindi, sa inyo na lang.” Kaya binayaran nila ako ng tatlumpung pirasong pilak bilang sahod ko.

Sinabi ng Panginoon sa akin, “Ilagay mo ang pilak na iyan sa kabang-yaman8 ng Templo.” Kaya kinuha ko ang tatlumpung pirasong pilak, na inaakala nilang sapat na bilang aking sahod, at inilagay ko iyon sa kabang-yaman ng templo ng Panginoon.

Pagkatapos, binali ko ang pangalawang tungkod na tinatawag na Pagkakaisa upang ipahiwatig na naputol na ang magandang pagsasamahan ng Juda at ng Israel.

Sinabing muli ng Panginoon sa akin, “Magkunwari kang isang walang kuwentang pastol ng mga tupa. Sapagkat may ilalagay akong isang pastol sa lupaing ito na hindi aalalahanin ang mga naghihingalo, o hahanapin ang mga nawawala,9 o gagamutin ang mga sugatan, o pakakainin ang malulusog. Sa halip, kakainin niya ang karne ng matatabang tupa at bubunutin ang mga kuko ng mga ito.

Kahabag-habag ang walang kuwentang pastol,

na nagpabaya sa mga tupa!

Nawaʼy putulin ng espada

ang kanyang kamay

at tusukin nito

ang kanyang kanang mata!

Nawaʼy lubusang matuyot

ang kanyang kamay

at tuluyang mabulag

ang kanyang kanang mata.”

Source notes (9)
  1. Footnote Ang mga punong binanggit dito ay sumisimbolo sa mga makapangyarihang bansa o sa mga hari nito.
  2. Footnote mga pastol … leon : Ang ibig sabihin, mga pinuno ng Israel.
  3. Footnote mga tupang : Ang ibig sabihin, mga taga-Israel.
  4. Footnote mga tupa : Ito ang nasa Septuagint. Sa Hebreo, lalung-lalo na ang mga walang silbing tupa.
  5. Footnote Kabutihan : O Maganda.
  6. Footnote sa kanila : O sa mga tupa.
  7. Footnote mga nagbebenta ng mga tupa : Ito ang nasa Septuagint. Sa Hebreo, mga walang silbi.
  8. Footnote kabang-yaman : Ito ang nasa Syriac. Sa Hebreo, mamamalayok.
  9. Footnote nawawala : Ito ang Septuagint at Latin Vulgate. Sa Hebreo, batang tupa.

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible 2025. Copyright © Biblica, Inc. Licensed under CC BY-SA 4.0. Source: Open.Bible. Typeset from the source files; no intended changes to scripture wording. BibleKenya is not endorsed by the rights holder.

Full source notice & licence · CC BY-SA 4.0 · SourceEdition imported 2026-11-09.

BibleKenya

Reader settings

Theme
Font
Alignment
Reading width

Saved in this browser and used offline too. Press ? for keyboard shortcuts.