Skip to content
BibleKenya

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible 2025

Mga Salmo 94

Panginoon, kayo ang Diyos na naghihiganti.

Ipakita nʼyo na ang inyong katarungan.

Kayo ang humahatol sa lahat ng tao,

kumilos na po kayo Panginoon,

gantihan nʼyo na nang nararapat ang mayayabang.

Hanggang kailan magdiriwang ang masasama,

Panginoon?

Silang lahat na gumagawa ng masama

ay ubod ng yabang.

Inaapi nila ang inyong mga mamamayan, Panginoon

sinasaktan nila ang inyong mga hinirang.

Pinapatay nila ang mga biyuda

at mga dayuhan,1

pati na ang mga ulila.

Sinasabi nila, “Hindi makikita ng Panginoon ang ginagawa namin;

hindi ito mapapansin ng Diyos ni Jacob.”

Kayong mga hangal at mahihina ang utak,

kailan ba kayo makakaunawa?

Unawain ninyo ito:

Ang Diyos na gumawa ng ating mga tainga at mata,

hindi ba nakakarinig o nakakakita?

Akala nʼyo baʼy hindi ni magpaparusa ang Diyos

na siyang dumidisiplina sa mga bansa?

Akala nʼyo baʼy kulang siya sa kaalaman?

Alam ng Panginoon na ang iniisip ng mga tao

ay walang kabuluhan.

O Panginoon, pinagpala ang taong

pinangangaralan nʼyo

sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanya

ng inyong mga kautusan.

Tinuturuan nʼyo siya

upang magkaroon siya ng kapayapaan

sa oras ng kaguluhan hanggang sa oras

na ang masasamá ay inyong parusahan.

Dahil hindi nʼyo itatakwil, Panginoon,

ang mamamayang pag-aari ninyo.

Darating ang araw na ang paghatol

ay muling magiging makatarungan

at itoʼy susundin ng lahat ng namumuhay

nang matuwid.

Walang tumutulong sa akin

laban sa mga taong gumagawa ng kasamaan

kundi kayo lang, Panginoon.

Kung hindi nʼyo ako tinulungan Panginoon,

maaaring patay na ako ngayon.

Nang sabihin kong parang

mamamatay na ako,

ang inyong pag-ibig at awa, Panginoon,

ang tumulong sa akin.

Kapag gulong-gulo ang isip ko,

inaaliw nʼyo ako at akoʼy sumasaya.

Hindi kayo maaaring pumanig sa masasamang hukom2

na gumagawa ng kasamaan

sa pamamagitan ng3 kautusan.

Sama-sama silang kumakalaban sa matutuwid

at hinahatulan nila ng kamatayan ang walang kasalanan.

Ngunit kayo, Panginoon na aking Diyos

ay aking tagapagtanggol

at batong kanlungan.

Parurusahan nʼyo sila

dahil sa kanilang mga kasalanan.

Tiyak na lilipulin nʼyo sila,

O Panginoon naming Diyos.

Source notes (3)
  1. Footnote mga dayuhan : Ang ibig sabihin, ang mga nakatira sa Israel na dayuhan.
  2. Footnote hukom : O pinuno.
  3. Footnote sa pamamagitan ng : O laban sa.

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible 2025. Copyright © Biblica, Inc. Licensed under CC BY-SA 4.0. Source: Open.Bible. Typeset from the source files; no intended changes to scripture wording. BibleKenya is not endorsed by the rights holder.

Full source notice & licence · CC BY-SA 4.0 · SourceEdition imported 2026-11-09.

BibleKenya

Reader settings

Theme
Font
Alignment
Reading width

Saved in this browser and used offline too. Press ? for keyboard shortcuts.