Skip to content
BibleKenya

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible 2025

Mga Salmo 79

Awit na isinulat ni David.

O Diyos, sinalakay ng mga dayuhan

ang lupaing pag-aari ninyo.

Nilapastangan nila

ang inyong banal na Templo

at winasak ang Jerusalem.

Ipinakain nila sa mababangis

na ibon at hayop

ang bangkay ng inyong tapat

na mga lingkod.

Parang tubig na pinadaloy nila ang dugo

ng inyong mga mamamayan

sa buong Jerusalem,

at wala ni isa mang natira sa kanila

upang ilibing ang mga namatay.

Kinukutya kami at inilalagay sa kahihiyan

ng mga bansa sa palibot namin.

Panginoon, hanggang kailan kayo

magagalit sa amin?

Wala na ba itong katapusan?

Hanggang kailan mag-aapoy

ang inyong panibugho?

Doon nʼyo ibuhos ang inyong galit,

sa mga bansa at kaharian

na ayaw kumilala

at sumamba sa inyo.

Dahil pinatay nila ang mga mamamayan1 ninyo

at winasak ang kanilang mga lupain.

Huwag ninyo kaming parusahan

dahil sa kasalanan ng aming mga ninuno.

Sa halip ay iparating agad ninyo

ang inyong habag sa amin

dahil kami ay lugmok na.

O Diyos na aming Tagapagligtas,

tulungan nʼyo kami,

para sa kaluwalhatian

ng inyong pangalan.

Iligtas nʼyo kami at patawarin

sa aming mga kasalanan,

alang-alang sa inyong pangalan.

Huwag nʼyo pong hayaan

na sabihin sa amin

ng ibang mga bansa,

“Nasaan na ang inyong Diyos?”

Habang kami ay nakatingin,

ipaunawa nʼyo sa mga bansang ito

na maghihiganti kayo sa kanila

dahil sa pagpatay nila sa inyong mga lingkod.

Pakinggan ninyo ang hinaing

ng mga mamamayan ninyong binihag nila.

Nakatakda silang patayin

kaya inyo silang palayain

sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.

O Panginoon, gantihan ninyo ng pitong ulit

ang mga kalapit naming bansa

dahil sa ginawa nilang pangungutya sa inyo.

At kaming mga mamamayan,

na inyong inaalagaan na parang mga tupa

sa inyong pastulan

ay magpapasalamat sa inyo magpakailanman.

Purihin kayo nang walang hanggan.

Source notes (1)
  1. Footnote ang mga mamamayan : Sa literal, si Jacob.

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible 2025. Copyright © Biblica, Inc. Licensed under CC BY-SA 4.0. Source: Open.Bible. Typeset from the source files; no intended changes to scripture wording. BibleKenya is not endorsed by the rights holder.

Full source notice & licence · CC BY-SA 4.0 · SourceEdition imported 2026-11-09.

BibleKenya

Reader settings

Theme
Font
Alignment
Reading width

Saved in this browser and used offline too. Press ? for keyboard shortcuts.