Skip to content
BibleKenya

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible 2025

Mga Salmo 60

Para sa direktor ng mga mang-aawit: Awit na isinulat ni David pagkatapos ng kanyang pakikipaglaban sa mga taga-Aram Naharaim at sa mga taga-Aram-zoba at pag-uwi ni Joab mula sa pakikipaglaban at pagpatay sa 12,000 Edomita sa lambak na tinatawag na Asin. Inaawit ito sa tono ng awiting, “Liryo ng Kasunduan.”

O Diyos, itinakwil nʼyo kami

at pinabayaang malupig.

Nagalit kayo sa amin

ngunit ngayon sanaʼy ipakita ninyo

ang inyong kabutihan.

Niyanig nʼyo ang kalupaan

at pinagbitak-bitak,

ngunit kung maaari, ayusin nʼyo po sana

dahil itoʼy parang babagsak na.

Labis-labis na hirap

ang ipinaranas ninyo sa amin

na inyong mamamayan.

Para nʼyo kaming nilasing sa alak

at ngayon kamiʼy sumusuray-suray.

Ngunit para sa mga may takot sa inyo,

nagtaas kayo ng bandila bilang palatandaan

ng aming pagtitipon sa oras ng labanan.

Iligtas nʼyo kami at tulungan

sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.

Pakinggan nʼyo kami,

upang kaming mga minamahal nʼyo

ay maligtas.

O Diyos, sinabi nʼyo roon sa inyong templo,

“Magtatagumpay ako! Hahatiin ko ang Shekem at ang kapatagan ng Sucot

upang ipamigay sa aking mga mamamayan.

Sa akin ang Gilead at Manases,

ang Efraim ay gagawin kong tanggulan1

at ang Juda ang aking tagapamahala.2

Ang Moab ang aking utusan3

at ang Edom ay sa akin din.4

Sisigaw ako ng tagumpay

laban sa mga Filisteo.”

Sinong magdadala sa akin sa Edom

at sa bayan nito na napapalibutan ng pader?

Sino na ang makakatulong, O Diyos,

ngayong itinakwil nʼyo na kami?

Ni hindi na nga kayo sumasama

sa aming mga kawal.

Tulungan nʼyo kami laban sa aming mga kaaway,

dahil ang tulong ng tao

ay walang kabuluhan.

Sa tulong nʼyo, O Diyos,

kamiʼy magtatagumpay

sapagkat tatalunin nʼyo

ang aming mga kaaway.

Source notes (4)
  1. Footnote tanggulan : Sa literal, helmet.
  2. Footnote tagapamahala : Sa literal, setro ng hari.
  3. Footnote utusan : Sa literal, planggana na panghugas ng mukha, kamay, at paa.
  4. Footnote sa akin din : O aking alipin. Sa literal, tapunan ko ng aking sandalyas.

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible 2025. Copyright © Biblica, Inc. Licensed under CC BY-SA 4.0. Source: Open.Bible. Typeset from the source files; no intended changes to scripture wording. BibleKenya is not endorsed by the rights holder.

Full source notice & licence · CC BY-SA 4.0 · SourceEdition imported 2026-11-09.

BibleKenya

Reader settings

Theme
Font
Alignment
Reading width

Saved in this browser and used offline too. Press ? for keyboard shortcuts.