Skip to content
BibleKenya

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible 2025

Mga Salmo 48

Awit na isinulat ng mga anak ni Kora.

Dakila ang Panginoon na ating Diyos,

at karapat-dapat na papurihan

sa kanyang bayan,

ang kanyang banal na bundok.

Itoʼy mataas at maganda,

at nagbibigay kagalakan sa buong mundo.

Ang banal na bundok ng Zion

ay ang bayan ng Makapangyarihang Hari.

Ang Diyos ay nasa mga muog ng Jerusalem,

at ipinakita niyang siya ang Tagapagligtas

ng mga taga-Jerusalem.

Nagtipon-tipon ang mga hari

upang sumalakay sa Jerusalem.

Ngunit noong nakita ng mga hari ang bayan,

nagulat, natakot at nagsitakas sila.

Dahil sa takot, nanginig sila

gaya ng babaeng nanganganak na namimilipit sa sakit.

Winasak sila ng Diyos

tulad ng mga barkong panglayag1

na sinisira ng hanging amihan.

Noon, nabalitaan natin ang ginawa ng ating Diyos,

pero ngayon, tayo mismo ang nakakita

sa ginawa niya sa kanyang bayan.

Siya ang Panginoon ng Hukbo,

at patatatagin niya ang kanyang bayan magpakailanman.

Sa loob ng inyong Templo, O Diyos,

iniisip namin ang pag-ibig nʼyong matapat.

O Diyos, dakila ang pangalan nʼyo,

at pinupuri kayo ng mga tao sa buong mundo.

Ang kapangyarihan nʼyo

ay laging makatarungan.

Nagagalak ang mga mamamayan ng Zion,2

at ng mga bayan ng Juda,

dahil sa inyong makatarungang paghatol.

Mga mamamayan ng Diyos,

libutin ninyo ang Zion

at bilangin ninyo ang mga tore nito.

Tingnan ninyong mabuti ang mga pader

at ang mga tanggulan ng bayan na ito,

upang masabi ninyo sa susunod na salinlahi,

“Siya ang Diyos,

ang Diyos natin magpakailanman.

Siya ang gagabay sa atin

habambuhay.”

Source notes (2)
  1. Footnote barkong panglayag : Sa Hebreo, barko ng Tarsis.
  2. Footnote mamamayan ng Zion : Sa literal, Bundok ng Zion. Tinatawag ding Zion ang Jerusalem.

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible 2025. Copyright © Biblica, Inc. Licensed under CC BY-SA 4.0. Source: Open.Bible. Typeset from the source files; no intended changes to scripture wording. BibleKenya is not endorsed by the rights holder.

Full source notice & licence · CC BY-SA 4.0 · SourceEdition imported 2026-11-09.

BibleKenya

Reader settings

Theme
Font
Alignment
Reading width

Saved in this browser and used offline too. Press ? for keyboard shortcuts.