Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible 2025
Mga Salmo 4
Para sa direktor ng mga mang-aawit: Awit na isinulat ni David na sinasaliwan ng mga instrumentong may kuwerdas.
Ang panawagan koʼy iyong dinggin,
O Diyos na nagtatanggol sa akin.
Akoʼy bigyang kaginhawahan
sa panahon ng aking kagipitan.
Akoʼy inyong kahabagan,
panalangin ko ay pakinggan.
Kayong mga tao,
kailan kayo titigil sa paninirang-puri sa akin?
Hanggang kailan ninyo iibigin
ang mga bagay na walang kabuluhan
at susundin ang mga bulaan?1
Tandaan ninyo:
Ibinukod ng Panginoon ang kanyang mga hinirang.
Kapag akoʼy tumawag sa kanya,
akoʼy pakikinggan niya.
Kapag kayoʼy nagagalit,
huwag kayong magkakasala.
Magbulay-bulay nang may katahimikan
habang kayoʼy nakahiga sa higaan.
Ialay sa Panginoon ang mga nararapat na handog
at magtiwala sa kanya.
Marami ang nagsasabi,
“Sino ang magpapakita sa atin ng mabuti?”
Panginoon, ipakita po ninyo sa amin
ang inyong kabutihan!
Labis na kagalakan ang inyong ibinigay //sa akin,
higit pa sa kanila na sagana sa pagkain //at inumin.
Sa aking pagtulog, panatag ang aking loob,
sapagkat kayo, Panginoon, ang nakabantay sa akin.
Source notes (1)
- Footnote iibigin … bulaan : Maaaring ang ibig sabihin ay pagsamba sa diyos-diyosan o makasalanang pamumuhay.
Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible 2025. Copyright © Biblica, Inc. Licensed under CC BY-SA 4.0. Source: Open.Bible. Typeset from the source files; no intended changes to scripture wording. BibleKenya is not endorsed by the rights holder.
Full source notice & licence · CC BY-SA 4.0 · SourceEdition imported 2026-11-09.