Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible 2025
Mga Salmo 34
Awit na isinulat ni David noong siyaʼy nagbaliw-baliwan sa harapan ni Abimelec, kaya itinaboy siya nito at siyaʼy umalis.
Pupurihin ko ang Panginoon
sa lahat ng oras.
Ang aking bibig ay hindi titigil
sa pagpupuri sa kanya.
Ipagmamalaki ko ang gawa //ng Panginoon;
maririnig ito ng mga api
at silaʼy magagalak.
Halikayo! Ipahayag natin
ang kadakilaan ng Panginoon,
at itaas natin ang kanyang pangalan.
Akoʼy nanalangin sa Panginoon
at akoʼy kanyang sinagot.
Pinalaya niya ako sa lahat
ng aking takot.
Ang mga umaasa sa kanya
ay nagniningning ang mata
sa kaligayahan,
at walang bahid ng hiya
sa kanilang mukha.
Noong wala na akong pag-asa,
tumawag ako sa Panginoon.
Akoʼy kanyang pinakinggan
at iniligtas sa lahat ng mga dinaranas
kong kahirapan.
Ang anghel ng Panginoon
ay nagbabantay
sa mga may takot sa Diyos,
at ipinagtatanggol niya sila.
Subukan ninyo at inyong makikita,
kung gaano kabuti ang Panginoon.
Napakapalad ng taong naghahanap //ng kaligtasan1 sa kanya!
Kayong mga hinirang ng Panginoon,
matakot kayo sa kanya,
dahil ang may takot sa kanya
ay hindi kukulangin sa lahat
ng pangangailangan.
Kahit mga leon ay kukulangin
sa pagkain at magugutom,
ngunit hindi kukulangin
ng mabubuting bagay
ang mga nagtitiwala sa Panginoon.
Lumapit kayo, kayong gustong matuto //sa akin.
Pakinggan ninyo ako at tuturuan ko kayo
ng pagkatakot sa Panginoon.
Kung nais ninyo ng masaya
at mahabang buhay,
iwasan ninyo ang masamang pananalita
at pagsisinungaling.
Lumayo kayo sa masama
at gawin ninyo ang mabuti.
Pagsikapan ninyong kamtin
ang kapayapaan.
Iniingatan ng Panginoon
ang mga matuwid,
at pinakikinggan niya ang kanilang //mga daing.
Ngunit kinakalaban ng Panginoon
ang mga gumagawa ng masama.
Silaʼy kanyang nililipol
hanggang sa hindi na sila maalala
ng mga tao sa mundo.
Tinutugon ng Panginoon ang panalangin
ng mga matuwid,
at inililigtas sila sa lahat ng mga suliranin.
Malapit ang Panginoon
sa mga may bagbag //na puso,
at tinutulungan niya ang mga nawawalan //ng pag-asa.
Marami ang paghihirap
ng mga matutuwid,
ngunit inililigtas sila ng Panginoon
sa lahat ng ito.
Silaʼy iniingatan ng Panginoon,
at kahit isang buto nilaʼy hindi mababali.
Ang masamang tao ay papatayin
ng kanyang kasamaan.
At silang nagagalit sa taong matuwid
ay parurusahan ng Diyos.
Ngunit ililigtas ng Panginoon
ang kanyang mga lingkod,
at hindi parurusahan ang isa man
sa mga naghahanap ng kaligtasan //sa kanya.
Source notes (1)
- Footnote naghahanap ng kaligtasan : Sa Hebreo: nanganganlong.
Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible 2025. Copyright © Biblica, Inc. Licensed under CC BY-SA 4.0. Source: Open.Bible. Typeset from the source files; no intended changes to scripture wording. BibleKenya is not endorsed by the rights holder.
Full source notice & licence · CC BY-SA 4.0 · SourceEdition imported 2026-11-09.