Skip to content
BibleKenya

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible 2025

Mga Salmo 29

Awit na isinulat ni David.

Purihin ang Panginoon, kayong mga nilalang sa kalangitan.

Purihin ang Panginoon sa kanyang kadakilaan at kapangyarihan.

Papurihan ang Panginoon ng mga papuring nararapat sa kanyang pangalan.

Sambahin ninyo siya sa kanyang banal na presensya.

Ang tinig ng Panginoong Diyos

na makapangyarihan ay dumadagundong

na parang kulog sa ibabaw ng malalakas na alon ng karagatan.

Ang tinig ng Panginoon

ay makapangyarihan at kagalang-galang.

Ang tinig ng Panginoon ay makakabali

at makakapagpira-piraso ng pinakamatibay

na mga puno ng sedro sa Lebanon.

Niyayanig ng tinig ng Panginoon ang mga bundok sa Lebanon

at ang bundok ng Hermon1,

na parang mailap na baka na tumatalon-talon.

Ang tinig ng Panginoon ang nagpapakidlat.

Ang tinig din ng Panginoon

ang nagpapayanig sa Disyerto ng Kades.

Sa tinig ng Panginoon, napapagalaw ang mga puno ng ensina,2

at nalalagas ang mga dahon sa kagubatan.

At ang lahat ng nasa Templo

ay sumisigaw,

“Ang Diyos ay makapangyarihan!”

Ang Panginoon ang may kapangyarihan sa mga baha.

Maghahari siya magpakailanman.

Ang Panginoon ang nagbibigay

ng kalakasan sa kanyang mga mamamayan,

at pinagpapala niya sila ng mabuting kalagayan.

Source notes (2)
  1. Footnote Hermon : Sa Hebreo, Sirion.
  2. Footnote napapagalaw ang mga puno ng ensina : Sa literal, napapaanak ang mga usa.

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible 2025. Copyright © Biblica, Inc. Licensed under CC BY-SA 4.0. Source: Open.Bible. Typeset from the source files; no intended changes to scripture wording. BibleKenya is not endorsed by the rights holder.

Full source notice & licence · CC BY-SA 4.0 · SourceEdition imported 2026-11-09.

BibleKenya

Reader settings

Theme
Font
Alignment
Reading width

Saved in this browser and used offline too. Press ? for keyboard shortcuts.