Skip to content
BibleKenya

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible 2025

Mga Salmo 26

Awit na isinulat ni David.

Patunayan nʼyo, Panginoon,

na akoʼy walang kasalanan,

dahil akoʼy namumuhay nang matuwid,

at nagtitiwala sa inyo nang walang pag-aalinlangan.

Siyasatin at subukin nʼyo ako, Panginoon.

Suriin nʼyo ang aking pusoʼt isipan,

dahil lagi kong naaalala ang inyong pagmamahal,

at namumuhay ako na pinanghahawakan

ang inyong katapatan.

Hindi ako sumasama

sa mga taong sinungaling

at mapagpanggap.

Kinaiinisan ko ang mga pagsasama-sama

ng masasamang tao,

at hindi ako nakikisama sa kanila.

Naghuhugas ako ng kamay

upang ipakitang akoʼy walang kasalanan.

Pagkatapos, pumupunta ako sa inyong altar,

O Panginoon,

at umaawit ng papuriʼt pasasalamat.

Sinasabi ko sa mga tao

ang lahat ng inyong mga kahanga-hangang ginawa.

Panginoon, mahal ko ang iyong tahanan,

na siyang kinaroroonan ng inyong kaluwalhatian.

Huwag nʼyo po akong parusahang

kasama ng mga makasalanan,

gaya ng mga mamamatay-tao.

Palagi silang handang gumawa ng masama,

at nanghihingi ng suhol.

Ngunit akoʼy namumuhay nang matuwid,

kaya tubusin nʼyo ako at inyong kahabagan.

Ngayon, ligtas na ako sa panganib,

kaya pupurihin ko kayo, Panginoon,

sa gitna ng inyong mamamayang nagtitipon-tipon.

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible 2025. Copyright © Biblica, Inc. Licensed under CC BY-SA 4.0. Source: Open.Bible. Typeset from the source files; no intended changes to scripture wording. BibleKenya is not endorsed by the rights holder.

Full source notice & licence · CC BY-SA 4.0 · SourceEdition imported 2026-11-09.

BibleKenya

Reader settings

Theme
Font
Alignment
Reading width

Saved in this browser and used offline too. Press ? for keyboard shortcuts.