Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible 2025
Mga Salmo 138
Awit na isinulat ni David.
Panginoon, magpapasalamat ako sa inyo nang buong puso.
Aawit ako ng mga papuri sa inyo sa harap ng mga diyos.1
Luluhod ako na nakaharap sa inyong templo at magpupuri sa inyo
dahil sa inyong pag-ibig at katapatan.
Sapagkat ipinakita nʼyo na kayo
at ang inyong mga salita ay dakila sa lahat.
Nang humingi ako ng tulong,
akoʼy inyong sinagot.
Akoʼy binigyan ninyo ng lakas ng loob.
Magpupuri sa inyo, Panginoon, ang lahat ng hari sa buong mundo,
dahil maririnig nila ang inyong mga salita.
Silaʼy aawit tungkol sa inyong ginawa,
dahil dakila ang inyong kapangyarihan.
Panginoon, kahit kayoʼy dakila sa lahat,
nagmamalasakit kayo sa mga aba ang kalagayan.
At kahit nasa malayo ka
ay nakikilala mo ang lahat ng mga hambog.
Kahit na sa buhay na itoʼy may mga kaguluhan,
ang buhay koʼy inyong iniingatan.
Pinarurusahan nʼyo ang aking mga kaaway.
Inililigtas nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
Tutuparin nʼyo Panginoon ang inyong mga pangako sa akin.
Ang pag-ibig nʼyo ay walang hanggan.
Huwag nʼyong pabayaan ang gawa ng inyong kamay.
Source notes (1)
- Footnote mga diyos : Tingnan ang talababa sa 82:1.
Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible 2025. Copyright © Biblica, Inc. Licensed under CC BY-SA 4.0. Source: Open.Bible. Typeset from the source files; no intended changes to scripture wording. BibleKenya is not endorsed by the rights holder.
Full source notice & licence · CC BY-SA 4.0 · SourceEdition imported 2026-11-09.