Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible 2025
Mga Salmo 136
Magpasalamat kayo sa Panginoon,
dahil siyaʼy mabuti.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
Magpasalamat kayo sa Diyos ng mga diyos.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
Magpasalamat kayo sa Panginoon ng mga panginoon.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
Siya lang ang gumagawa ng kahanga-hangang mga himala.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
Sa pamamagitan ng kanyang karunungan,
ginawa niya ang kalangitan.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
Inilatag niya ang lupa sa ibabaw ng tubig.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
Ginawa niya ang araw at ang buwan.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
Ginawa niya ang araw
upang magbigay-liwanag kung araw.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
Ginawa niya ang buwan at mga bituin
upang magbigay-liwanag kung gabi.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
Pinatay niya ang mga panganay
na anak ng mga Ehipsiyo.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
Inilabas niya ang mga taga-Israel sa Ehipto.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
Inilabas niya sila sa pamamagitan
ng kanyang kapangyarihan.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
Hinawi niya ang Dagat na Pula.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
At pinatawid niya
sa gitna nito ang mga taga-Israel.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
Ngunit nilunod niya roon ang Faraon
at ang kanyang mga kawal.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
Pinatnubayan niya ang kanyang
mga mamamayan sa ilang.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
Nilipol niya ang makapangyarihang mga hari.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
Pinatay niya ang mga dakilang hari.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
Pinatay niya si Sihon na hari ng Amoreo.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
Pinatay din niya si Haring Og ng Bashan.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
Ibinigay niya ang kanilang lupain
sa kanyang mga mamamayan bilang pamana.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
At ang lupaing itoʼy naging pag-aari
ng mga mamamayan ng Israel na kanyang mga lingkod.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
Sa ating abang kalagayan,
hindi niya tayo kinalimutan.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
Iniligtas niya tayo sa ating mga kaaway.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
Binigyan niya ng pagkain ang lahat niyang nilalang.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
Magpasalamat tayo sa Diyos na nasa langit.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible 2025. Copyright © Biblica, Inc. Licensed under CC BY-SA 4.0. Source: Open.Bible. Typeset from the source files; no intended changes to scripture wording. BibleKenya is not endorsed by the rights holder.
Full source notice & licence · CC BY-SA 4.0 · SourceEdition imported 2026-11-09.