Skip to content
BibleKenya

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible 2025

Mga Salmo 116

Mahal ko ang Panginoon,

dahil dinidinig niya ang paghingi ko

ng tulong sa kanya.

Dahil pinakikinggan niya ako,

patuloy akong tatawag sa kanya habang akoʼy nabubuhay.

Natakot ako dahil nararamdaman kong

malapit na akong mamatay.

Ang kamatayan ay parang tali

na pumupulupot sa akin.

Nag-aalala ako at naguguluhan,

kaya tumawag ako sa Panginoon,

“Panginoon, iligtas nʼyo po ako.”

Ang Panginoon nating Diyos

ay mabuti, matuwid at mahabagin.

Iniingatan ng Panginoon

ang mga kulang sa kaalaman.

Nang wala na akong magawa,

akoʼy iniligtas niya.

Magpapakatatag ako,

dahil ang Panginoon

ay mabuti sa akin.

Sapagkat iniligtas niya ako sa kamatayan,

sa kalungkutan at kapahamakan.

Kaya mamumuhay ako na malapit sa Panginoon dito sa mundo ng mga buháy.

Kahit na sinabi kong,

“Sukdulan na ang paghihirap ko,”

nagtitiwala pa rin ako sa kanya.

Sa aking pagkabalisa ay nasabi kong,

“Wala ni isang taong mapagkatiwalaan.”

Ano kaya ang maigaganti ko sa Panginoon

sa lahat ng kabutihan niya sa akin?

Sasambahin ko ang Panginoon,

at maghahandog ako sa kanya ng pasasalamat

sa kanyang pagliligtas sa akin.

Tutuparin ko ang aking

mga pangako sa Panginoon

sa harap ng kanyang mga mamamayan.

Nasasaktan ang Panginoon

kung mamatay ang kanyang

mga tapat na mga mamamayan.1

Panginoon, ako nga ay inyong lingkod.2

Iniligtas nʼyo ako sa pagkabihag.

Sasamba ako sa inyo

at mag-aalay ng handog bilang pasasalamat.

Tutuparin ko ang aking mga pangako

sa inyo Panginoon

sa harap ng inyong mga mamamayan,

doon sa inyong templo sa Jerusalem.

Purihin ang Panginoon!

Source notes (2)
  1. Footnote Nasasaktan … mamamayan : O Mahalaga sa paningin ng Panginoon ang kamatayan ng kanyang tapat na mga mamamayan.
  2. Footnote ako nga … lingkod : O ako nga ay inyong lingkod tulad ng aking ina na inyo ring lingkod.

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible 2025. Copyright © Biblica, Inc. Licensed under CC BY-SA 4.0. Source: Open.Bible. Typeset from the source files; no intended changes to scripture wording. BibleKenya is not endorsed by the rights holder.

Full source notice & licence · CC BY-SA 4.0 · SourceEdition imported 2026-11-09.

BibleKenya

Reader settings

Theme
Font
Alignment
Reading width

Saved in this browser and used offline too. Press ? for keyboard shortcuts.