Skip to content
BibleKenya

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible 2025

Mga Bilang 24

Samantala, nang mapag-isip-isip ni Balaam na gusto ng Panginoon na pagpalain ang Israel, hindi na siya nangkulam katulad ng ginawa niya noong una. Sa halip, humarap siya sa disyerto at nakita niya ang mga Israelita na nagkakampo ayon sa kani-kanilang lahi. Pagkatapos, pinuspos siya ng Espiritu ng Diyos, at sinabi niya, “Ako si Balaam na anak ni Beor, at may malinaw akong pang-unawa.1 Narinig ko ang salita ng Diyos, at nakakita ako ng isang pangitain na mula sa Diyos na Makapangyarihan. Nagpatirapa ako at nagpahayag siya sa akin.2 Ito ang aking mensahe:

‘Anong ganda ng inyong

mga toldang tinitirhan

ng mga mamamayan ng Israel

na lahi ni Jacob.

Katulad ito ng mga nakahanay

na palma,

o ng mga tanim sa tabing-ilog.

Katulad din ito ng puno ng aloe

na itinanim ng Panginoon,

o ng mga puno ng sedro

sa tabi ng tubig.

Umaapaw ang mga tubig

sa kanilang mga lalagyan,

at nagtatanim sila ng buto

sa mga lupang sagana sa tubig.

Ang kanilang hari ay magiging

mas nakahihigit pa

kaysa kay Agag

na hari ng Amalekita,

at ang kanilang kaharian

ay magiging tanyag.

Inilabas sila ng Diyos sa Ehipto;

para sa kanila, katulad siya

ng isang malakas na toro.

Lulupigin nila

ang kanilang mga kaaway;

tutuhugin sa tulis ng pana

at dudurugin

ang kanilang mga buto.

Katulad sila ng mga leon

na kapag nakatulog na

ay wala nang mangangahas pang

gumising sa kanila.

Pagpapalain ang mga nagpapala

sa kanila

at susumpain ang mga sumusumpa

sa kanila.’ ”

Dahil dito, naging matindi ang galit ni Balak kay Balaam. Isinuntok niya ang kanyang kamao sa kanyang palad at sinabi, “Ipinatawag kita para sumpain ang aking mga kaaway, ngunit binasbasan mo pa sila ng tatlong beses. Umuwi ka na lang! Nangako ako sa iyong babayaran kita ng malaking halaga, ngunit hindi pumayag ang Panginoon na matanggap mo ang bayad.”

Sumagot si Balaam kay Balak, “Hindi baʼt sinabihan ko ang iyong mga mensahero, na kahit ibigay mo pa sa akin ang iyong palasyong puno ng pilak at ginto, hindi ako makakagawa ng sarili kong kagustuhan, masama man ito o mabuti. Kung ano ang sinasabi ng Panginoon sa akin, iyon lang ang aking sasabihin. Uuwi ako ngayon din sa aking mga kababayan, ngunit bago ako umalis, paaalalahanan muna kita kung ano ang gagawin ng mga Israelitang ito sa iyong mga mamamayan balang araw.”

Ang Ikaapat na Mensahe ni Balaam

Pagkatapos, sinabi ni Balaam ang propesiyang ito:

“Ako si Balaam na anak ni Beor,

at may malinaw akong pang-unawa.

Narinig ko ang salita ng Kataas-taasang Diyos,

at nakakita ako ng pangitain

mula sa Diyos na Makapangyarihan.

Nagpatirapa ako sa kanya

at nagpahayag siya sa akin:

“May nakita ako

sa aking pangitain

na hindi pa nangyayari.

Sa hinaharap ay mamamahala

ang isang hari3 sa Israel

mula sa lahi ni Jacob.

Ibabagsak niya ang mga Moabita

at ang lahat ng lahi ni Set.

Sasakupin niya ang Edom

na kanyang kaaway,

na tinatawag ding Seir,

habang tumatatag ang Israel.

Mamumuno ang isang pinuno

sa Israel4

at ibabagsak niya

ang mga natirang buháy

sa lungsod ng Moab.”

Ang Ikalimang Mensahe ni Balaam

Pagkatapos, nakita ni Balaam sa kanyang pangitain ang mga Amalekita at sinabi niya:

“Ang Amalek noon ang nangunguna

sa mga bansa,

ngunit sa huli, babagsak ito.”

Ang Ika-anim na Mensahe ni Balaam

Pagkatapos, nakita na naman ni Balaam sa kanyang pangitain ang mga Cineo at sinabi niya,

“Matatag ang inyong tinitirhan,

dahil nakatayo ito sa mga bato

ngunit babagsak kayo

kapag binihag kayo ng Asiria.”

Ang Ikapitong Mensahe ni Balaam

At sinabi pa ni Balaam ang mensaheng ito,

“Kahabag-habag!

Sino ba ang mabubuhay

kung gagawin ito ng Diyos?

Darating ang mga barko mula sa Kitim

at sasakupin nila ang mga mamamayan

ng Asiria at ng Eber,

ngunit babagsak din ang Kitim.”

Pagkatapos, umuwi si Balaam at ganoon din si Balak.

Source notes (4)
  1. Footnote pang-unawa : Sa literal, paningin. Ganito rin sa talata 15|NUM 24:15.
  2. Footnote nagpahayag siya sa akin : Sa literal, binuksan ang aking mga mata. Ganito rin sa talata 16|NUM 24:16.
  3. Footnote mamamahala ang isang hari : Sa literal, may lilitaw na bituin, may lalabas na setro ng hari.
  4. Footnote Israel : Sa literal, Jacob.

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible 2025. Copyright © Biblica, Inc. Licensed under CC BY-SA 4.0. Source: Open.Bible. Typeset from the source files; no intended changes to scripture wording. BibleKenya is not endorsed by the rights holder.

Full source notice & licence · CC BY-SA 4.0 · SourceEdition imported 2026-11-09.

BibleKenya

Reader settings

Theme
Font
Alignment
Reading width

Saved in this browser and used offline too. Press ? for keyboard shortcuts.