Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible 2025
Nahum 2
Ang Pagkawasak ng Nineve
Mga taga-Nineve, sinasalakay na kayo
ng inyong mga kalaban
na magkakalat sa inyo.
Kaya guwardiyahan ninyo ang pader
ng inyong lungsod
at bantayan ang mga daan.
Tipunin ninyo ang inyong mga sundalo
at humanda kayo sa digmaan.
Kahit na nilipol ninyo ang Israel at Juda1
na parang mga tanim na ubas2 na pinatay,
ibabalik ng Panginoon
ang kanilang kapangyarihan.
Pula ang kalasag at damit
ng mga sundalo ng inyong kalaban.
At sa oras ng kanilang pagsalakay
kumikislap ang metal
ng kanilang mga karwahe
at nagtatatakbo ang kanilang mga kabayo.3
Humahagibis ang kanilang mga karwahe
sa mga lansangan,
parooʼt parito na sumusugod
sa mga liwasan.
Nagliliwanag ang mga ito
na parang sulo,
at kumikislap na parang kidlat.
Inuutusan ng hari
ang mga opisyal ng mga kawal.
Nagkakandarapa sila papunta
sa mga pader
upang maglagay ng mga pananggalang
para sa mga sundalong wawasak ng pader.
Ang tarangkahan ng mga ilog
ay mabubuksan,
at ang palasyo ay guguho.
Naipahayag na, na bibihagin kayo4
at dadalhin sa ibang bayan.
Uungol ang inyong mga utusang babae
na parang kalapati
habang dinadagukan nila
ang kanilang dibdib dahil sa kalungkutan.
Ang mga taong tumatakas mula sa Nineve
ay parang tubig na umagos
mula sa nawasak na imbakan ng tubig.
Ang mga tumatakas ay pinapabalik
ng kanilang mga kasama
ngunit wala ni isa mang bumalik.
Samsamin ninyo ang pilak!
Samsamin ninyo ang ginto!
Hindi mauubos ang kayamanan ng Nineve,
hindi mabibilang ang mamahaling bagay nila.
Malilipol, mawawasak
at magiging mapanglaw na ang Nineve!
Kaya natatakot ang mga mamamayan nito,
nanghihina ang buong katawan nila,
nanginginig ang kanilang mga tuhod,
at namumutla silang lahat.
Ang Nineve ay parang yungib
na tinitirhan ng mag-asawang leon
at ng mga anak nito.
Walang puwedeng manakit
sa kanila sa yungib.
Pinapatay at nilalapa ng lalaking leon
ang kanyang biktima
at ibinibigay sa kanyang asawa
at mga anak.
Pinupuno niya ang kanyang yungib
ng karne ng kanyang mga biktima.5
Ngunit ngayon, ang Nineve ay wawasakin na.
Sapagkat sinasabi
ng Panginoon ng mga Hukbo,
“Makinig kayong mga taga-Nineve!
Kalaban ko kayo!
Kaya susunugin ko
ang inyong mga karwahe
at mamamatay sa digmaan
ang inyong mga kawal.6
Wawakasan ko na
ang inyong pambibiktima sa lupain.
Hindi na kayo makapagpapadala
ng mga mensahero sa ibang bansa.”
Source notes (6)
- Footnote Israel at Juda : Sa Hebreo, Jacob at Israel.
- Footnote na parang … ubas : O at nawala ang kanilang mga awit.
- Footnote nagtatatakbo ang kanilang mga kabayo : Ito ang nasa Septuagint at sa Syriac. Sa Hebreo, iwinawagayway nila ang kanilang mga (sibat na gawa sa) kahoy na sipres.
- Footnote bibihagin kayo : Sa literal, huhubaran kayo.
- Footnote Ang ibig sabihin nito ay nag-iisip ang mga taga-Nineve na walang gagalaw sa kanila. Sinasalakay nila ang ibang mga bansa, sinasamsam ang mga ari-arian nito at dinadala sa kanilang lugar para ang kanilang mga mamamayan ay makinabang.
- Footnote mga kawal : Sa literal, mga batang leon.
Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible 2025. Copyright © Biblica, Inc. Licensed under CC BY-SA 4.0. Source: Open.Bible. Typeset from the source files; no intended changes to scripture wording. BibleKenya is not endorsed by the rights holder.
Full source notice & licence · CC BY-SA 4.0 · SourceEdition imported 2026-11-09.