Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible 2025
Jeremias 47
Ang Mensahe tungkol sa Filistia
Ito ang salita ng Panginoon na ipinahayag niya kay Propeta Jeremias tungkol sa Filistia noong hindi pa sinasalakay ng Faraon1 ang Gaza:
Ito ang sinasabi ng Panginoon:
“May bansang sasalakay mula sa hilaga
na tulad ng bahang aapaw
sa buong lupain.
Wawasakin ng bansang ito ang lahat ng lungsod
pati ang mga mamamayan nito.
Magsisigawan at mag-iiyakan
nang malakas ang mga tao;
dahil sa takot.
Maririnig nila ang ingay ng lagapak
at mga yabag ng mga kabayo
at mga karwahe.
Hindi na lilingon ang mga ama
upang tulungan ang mga anak nila.
Sapagkat darating ang araw
na wawasakin ang lahat ng Filisteo
pati ang mga kakampi nila
na tumutulong sa kanila
mula sa Tiro at Sidon.
Wawasakin ng Panginoon
ang mga Filisteo.
Ito ang mga taong mula sa Caftor.2
Ang mga taga-Gaza ay magpapakalbo,
tanda ng kanilang pagluluksa,
at ang mga taga-Ashkelon
ay tatahimik sa kalungkutan.
Kayong mga mamamayan sa kapatagan,
hanggang kailan ninyo susugatan
ang inyong sarili
upang ipakita ang inyong kalungkutan?
Nagtatanong kayo
kung kailan ko ititigil ang pagpaparusa sa inyo
sa pamamagitan ng espada
ng Panginoon.
Sinasabi ninyong ibalik ko na
sa lalagyan ang aking espada
at pabayaan na lang kayo.
Ngunit paano ito mapipigil
kung inutusan na ito ng Panginoon
na salakayin ang Ashkelon
at ang mga naninirahan
sa baybayin ng dagat?”
Source notes (2)
- Footnote Faraon : Ang ibig sabihin, hari ng Ehipto.
- Footnote Caftor : O Crete.
Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible 2025. Copyright © Biblica, Inc. Licensed under CC BY-SA 4.0. Source: Open.Bible. Typeset from the source files; no intended changes to scripture wording. BibleKenya is not endorsed by the rights holder.
Full source notice & licence · CC BY-SA 4.0 · SourceEdition imported 2026-11-09.