Skip to content
BibleKenya

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible 2025

Isaias 46

Ang mga Diyos-diyosan //ng Babilonia

Nakayuko si Bel,

nakahiga naman si Nebo;1

ang mga diyos-diyosang ito

ay ipinabuhat sa mga asno.

Mabibigat ang mga imaheng ito;

pasanin ng mga hayop na pagod.

Nakahiga nga sila,

at hindi nila kayang iligtas

ang kumakarga sa kanila,

kaya pati sila ay nabihag.

Makinig kayo sa akin, mga lahi ni Jacob,

kayong mga natitirang

mga mamamayan ng Israel.

Inalagaan ko kayo

mula nang kayoʼy ipinanganak

Aalagaan ko kayo hanggang

sa kayoʼy tumanda

at pumuti ang inyong buhok.

Ako, ako ang siyang

tutulong sa inyo.

Nilikha ko kayo

kaya kayoʼy aalagaan ko.

Tutulungan ko kayo

at ililigtas.

Kanino ninyo ako maihahalintulad?

Mayroon bang katulad ko?

Ang ibang mga tao

ay naglalabas ng ginto sa sisidlan

at nagtitimbang ng pilak

at inuupahan nila ang platero

para gumawa ng diyos-diyosan

at pagkatapos ay kanilang

luluhuran at sasambahin.

Pinapasan nila ito sa kanilang balikat

at inilalagay sa kanyang lalagyan

at nananatili ito roon

dahil hindi naman ito makakakilos.

Kung may mananalangin sa kanya,

hindi siya makakasagot

at hindi makakatulong

sa panahon ng kaguluhan.

Kayong mga rebelde,

tandaan ninyo ito,

at itanim sa inyong mga isip.

Alalahanin ninyo

ang aking mga ginawa

noong unang panahon.

Ako lang ang Diyos,

at wala nang iba pang katulad ko.

Sa simula pa lang, sinabi ko na

ang mga mangyayari sa hinaharap.

Ang aking mga inihayag

ay magaganap,

at gagawin ko ang lahat

ng gusto kong gawin.

Mula sa silangan,

tatawag ako ng isang tao,

at darating siyang tulad ng ibong mandaragit

mula sa malayong lugar.

Ang mga sinabi koʼy aking tutuparin.

Ang mga balak koʼy aking gagawin.

Makinig kayo sa akin

kayong matitigas ang ulo.

Hindi ninyo mararanasan

ang tagumpay at katuwiran.

Hindi na magtatagal, ibibigay ko na

ang tagumpay at katuwiran

sa Jerusalem.

Malapit ko na itong iligtas;

pararangalan ko ang Israel.

Source notes (1)
  1. Footnote Bel … Nebo : Mga pangalan ng diyos-diyosan ng Babilonia.

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible 2025. Copyright © Biblica, Inc. Licensed under CC BY-SA 4.0. Source: Open.Bible. Typeset from the source files; no intended changes to scripture wording. BibleKenya is not endorsed by the rights holder.

Full source notice & licence · CC BY-SA 4.0 · SourceEdition imported 2026-11-09.

BibleKenya

Reader settings

Theme
Font
Alignment
Reading width

Saved in this browser and used offline too. Press ? for keyboard shortcuts.