Skip to content
BibleKenya

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible 2025

Isaias 35

Ang Kaligayahan ng mga Iniligtas

Ang disyerto at ang tuyong lupa

ay matutuwa na

sa mga araw na iyon;

ang ilang ay magagalak

at mamumukadkad.

Katulad ng mga halaman sa tagsibol,

aawit at sisigaw ito sa tuwa,

at mamumukadkad

ang maraming bulaklak nito.

Magiging maganda ito

katulad ng Bundok ng Lebanon,

at mamumunga ito nang sagana

katulad ng kapatagan ng Carmel at Saron.

At mahahayag dito ang kapangyarihan

at kadakilaan ng Panginoon

na ating Diyos.

Kaya palakasin ninyo

ang mga nanghihina.

Sabihin ninyo sa mga natatakot,

“Huwag kayong matakot.

Lakasan ninyo ang inyong loob.

Darating ang inyong Diyos

para maghiganti sa inyong mga kaaway,

at ililigtas niya kayo.”

At kapag nangyari na ito,

makakakita na ang mga bulag

at makakarinig na ang mga bingi.

Lulundag ang mga pilay

na parang usa

at sisigaw sa tuwa ang mga pipi.

Aagos ang tubig sa disyerto

at dadaloy ang tubig sa mga sapa sa ilang.

Ang mainit na buhanginan

ay magiging tubigan.

At sa tigang na lupain

ay bubukal ang tubig.

Tutubo ang sari-saring damo

sa lugar na tinitirhan noon

ng mga asong-gubat.1

Magkakaroon ng maluwang

na lansangan sa ilang

at iyon ay tatawaging,

“Banal na Lansangan.”

Walang makasalanan o hangal

na makakadaan doon,

kundi ang mga sumusunod lamang

sa pamamaraan ng Panginoon.

Walang leon

o anumang mababangis

na hayop ang makakadaan doon

kundi ang mga tinubos2 lamang

ng Panginoon.

Ang mga tinubos ng Panginoon

ay magbabalik.

Papasok sila sa Zion na umaawit;

ang wagas na kagalakaʼy

korona sa kanilang mga ulo.

Ang kagalakan at kaligayahaʼy

kanilang makakamtan,

at ang kalungkutan at panghihinayang

ay mawawala nang tuluyan.

Source notes (2)
  1. Footnote asong-gubat : Sa Ingles, “jackal.”
  2. Footnote tinubos : O iniligtas.

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible 2025. Copyright © Biblica, Inc. Licensed under CC BY-SA 4.0. Source: Open.Bible. Typeset from the source files; no intended changes to scripture wording. BibleKenya is not endorsed by the rights holder.

Full source notice & licence · CC BY-SA 4.0 · SourceEdition imported 2026-11-09.

BibleKenya

Reader settings

Theme
Font
Alignment
Reading width

Saved in this browser and used offline too. Press ? for keyboard shortcuts.