Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible 2025
Hoseas 10
Ang Israel ay parang tanim na lumalago
na mayabong at hitik sa bunga.
Ngunit habang umuunlad siya,
dumarami rin ang mga altar
na ipinapatayo niya.
Habang ang lupain niyaʼy pinagpapala,
lalo rin niyang pinapalamutian
ng maganda
ang mga sagradong bato
na kanyang sinasamba.
Mapanlinlang sila,1 at ngayon
dapat na nilang pagdusahan
ang kanilang mga kasalanan.
Gigibain ng Panginoon
ang mga altar nila
at mga sagradong bato.
Siguradong sasabihin nila
sa bandang huli,
“Wala kaming hari
dahil wala kaming takot
sa Panginoon.
Subalit kahit na may hari kami,
wala rin itong magagawang mabuti
para sa amin.”
Puro salita lang sila2
ngunit hindi naman nila tinutupad.
Nanunumpa sila ng kasinungalingan
at gumagawa ng kasunduan
na hindi naman nila tinutupad.
Kaya ang katarungan
ay parang nakakalasong damo
na tumutubo sa binungkal na lupain.
Matatakot ang mga mamamayan
ng Samaria
dahil sa diyos-diyosang guya
sa Bet-aven.
Sila at ang kanilang mga pari na
nagagalak sa kagandahan
ng mga diyos-diyosan nila
ay iiyak dahil kukunin iyon sa kanila
at dadalhin sa Asiria
at ihahandog sa dakilang hari doon.
Mapapahiya ang Israel3
sa kanyang pagtitiwala
sa mga diyos-diyosan.4
Mawawala ang kanyang5 hari
na parang kahoy na tinangay ng agos.
Gigibain ang mga sambahan
sa mga matataas na lugar ng Aven,6
na naging dahilan ng pagkakasala
ng mga taga-Israel.
Matatakpan ang kanilang mga altar
ng matataas na damo
at mga halamang may tinik.
Sasabihin nila sa mga bundok at mga burol,
“Tabunan ninyo kami!”
“Sinabi ng Panginoon,
‘Kayong mga mamamayan ng Israel
ay patuloy sa pagkakasala
mula pa noong magkasala
ang inyong mga ninuno doon sa Gibea.
Hindi kayo nagbago.
Kaya kayong mga lahi ng masasama
ay lulusubin sa Gibea.
Gusto ko na kayong parusahan.
Kaya magsasanib ang mga bansa
upang lusubin kayo7
dahil sa patuloy ninyong pagkakasala.
Noon, para kayong dumalagang baka
na sinanay na gumiik
at gustong-gusto ang gawaing ito.
Subalit ngayon, pahihirapan ko
kayong mga taga-Israel8
at pati ang mga taga-Juda.
Magiging tulad kayo ng dumalagang baka
na sisingkawan ang makinis na leeg
at pahihirapan sa paghila ng pang-araro.’
Sinabi ko sa inyo,
‘Palambutin ninyo ang inyong mga puso
tulad ng binungkal na lupa.
Magtanim kayo ng katuwiran
at mag-aani kayo ng pagmamahal.
Sapagkat panahon na
upang magbalik-loob kayo
sa Panginoon
hanggang sa aking pagdating,
at pauulanan ko kayo ng tagumpay.9’
“Subalit nagtanim kayo ng kasamaan,
kaya umani rin kayo ng kasamaan.
Nagsinungaling kayo,
at iyan ang bunga
ng inyong kasamaan.
At dahil sa nagtitiwala kayo
sa sarili ninyong kakayahan
at sa marami ninyong mga kawal,
darating ang digmaan
sa inyong mga mamamayan
at magigiba ang inyong mga tanggulan.
Gagawin ng mga kalaban ninyo
ang ginawa ni Shalman10
sa lungsod ng Bet-arbel
nang pagluray-lurayin niya ang mga ina
at ang kanilang mga anak.
Ganyan din ang mangyayari sa iyo, Betel,
dahil sukdulan na ang kasamaan ninyo.
Sa pagbubukang-liwayway
ng araw na iyon,
tiyak na mamamatay
ang hari ng Israel.
Source notes (10)
- Footnote Mapanlinlang sila : O Madaling magbago ang kanilang isip.
- Footnote sila : Ang mga dating hari o ang mga tao.
- Footnote Israel : Sa Hebreo, Efraim. Isa ito sa mga lahi sa kaharian ng Israel, ngunit sa aklat na ito ang tinutukoy ay ang buong kaharian ng Israel.
- Footnote sa kanyang … diyos-diyosan : O sa payong sinunod niya.
- Footnote kanyang : Sa Hebreo, Samaria. Ito ang kabisera ng Israel at kumakatawan sa buong kaharian ng Israel. Tingnan ang talababa sa 4:15.
- Footnote Aven : Ito rin ang Bet-aven o Betel.
- Footnote upang lusubin kayo : O upang bihagin kayo.
- Footnote Israel : Sa Hebreo, Efraim. Tingnan ang talababa sa 4:17.
- Footnote tagumpay : O kaligtasan.
- Footnote Shalman : Maaaring isang hari ng mga Moabita.
Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible 2025. Copyright © Biblica, Inc. Licensed under CC BY-SA 4.0. Source: Open.Bible. Typeset from the source files; no intended changes to scripture wording. BibleKenya is not endorsed by the rights holder.
Full source notice & licence · CC BY-SA 4.0 · SourceEdition imported 2026-11-09.