Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible 2025
2 Samuel 23
Ang Mga Huling Pangungusap ni David
Ito ang mga huling habilin ni David:
“Ang mga magagandang kasabihan ni David //na anak ni Jesse,
mga kasabihan ng taong itinaas ng Kataas-taasan,
ang taong hinirang nga Diyos ni Jacob,
ang bayani ng mga awitin ng Israel:
“Nagsalita ang Espiritu ng Panginoon //sa pamamagitan ko;
ang mga mensahe niyaʼy //nasa aking mga labi.
Sinabi sa akin ng Diyos ng Israel,
na Batong kanlungan ng Israel,
‘Ang namumuno nang matuwid
at may takot sa Diyos,
ay tulad ng liwanag ng araw //na sumisikat sa umaga //na walang maitim na ulap,
na nagpapakinang sa mga damo //pagkatapos ng ulan!’
Ganyan ang pamilya ko //sa paningin ng Diyos,
at gumawa siya //ng kasunduang walang hanggan //sa akin.
Maayos at detalyado ang kasunduang ito at hindi na mapapalitan.
Kaya nakatitiyak ako na palagi akong ililigtas ng Diyos
at ibibigay niya sa akin ang lahat ng aking mga ninanais.
Ngunit ang masasamang taoʼy itatapon //gaya ng matitinik na halaman,
na hindi puwedeng kunin //sa pamamagitan lang ng kamay.
Sinumang hahawak //sa matitinik na halaman
ay kailangan pang gumamit //ng kagamitang gawa sa bakal o kahoy,
at susunugin ang mga ito //sa lugar na kinaroroonan ng mga ito.”
Ang Matatapang na Tauhan ni David
(1~Cro. 11:10‑41)
Ito ang mga matatapang na tauhan ni David:
Si Joseb-basebet na taga-Takemon ang nangunguna sa Tatlo1. Sa isang labanan lang, nakapatay siya ng walong daang tao sa pamamagitan ng sibat niya.
Ang sumunod sa kanya ay si Eleazar na anak ni Dodai na angkan ni Ahoa, na isa sa Tatlo. Isa siya sa mga kasama ni David na humamon sa mga Filisteong nagtipon sa Pas-damim2 sa pakikipaglaban. Tumakas ang mga Israelita, ngunit nagpaiwan siya at pinagpapatay niya ang mga Filisteo hanggang sa mapagod na ang kamay niya at manigas sa pagkahawak sa espada. Pinagtagumpay sila ng Panginoon nang araw na iyon. Bumalik kay Eleazar ang mga tumakas na Israelita para kunin ang mga armas ng mga namatay.
Ang sumunod ay si Shama na anak ni Agee na taga-Harar. Isang araw, nagtipon ang mga Filisteo sa Lehi, at sinalakay nila ang mga Israelita sa taniman ng mga gisantes. Tumakas ang mga Israelita, pero nagpaiwan si Shama sa gitna ng taniman para protektahan ito, at pinatay niya ang mga Filisteo. Pinagtagumpay sila ng Panginoon nang araw na iyon.
Noong panahon na ng tag-ani, pumunta kay David ang tatlo sa tatlumpung pinuno ng kanyang mga mandirigma doon sa kuweba ng Adulam. Nagkakampo noon ang mga Filisteo sa Lambak ng Refaim at naagaw nila ang Bethlehem. Habang naroon si David sa isang matatag na kublihan, nauhaw siya. Sinabi niya, “Mabuti sana kung may kukuha ng tubig na maiinom para sa akin mula sa balon malapit sa pintuang-bayan ng Bethlehem.” Kaya palihim na pumasok ang tatlong magigiting na kawal sa kampo ng mga Filisteo, malapit sa pintuang-bayan ng Bethlehem. Kumuha sila ng tubig sa balon at dinala ito kay David. Ngunit hindi ito ininom ni David, sa halip ay ibinuhos niya ito bilang handog sa Panginoon. Sinabi niya, “Panginoon, hindi ko po ito maiinom dahil kasinghalaga ito ng dugo ng mga taong nagtaya ng kanilang buhay sa pagkuha nito.” Kaya hindi ito ininom ni David.
Iyon ang ginawa ng tatlong matatapang na tauhan ni David.
Si Abisai na kapatid ni Joab, na anak ni Zeruias ang pinuno ng Tatlo3. Nakapatay siya ng tatlong daang Filisteo sa pamamagitan ng sibat niya. Kaya naging tanyag siya gaya ng tatlong magigiting na kawal. At dahil sa siya ay mas tinitingala pa sa Tatlo, naging pinuno nila siya ngunit hindi siya kabilang sa kanila.
May isa pang matapang na tao na ang pangalan ay Benaias. Taga-Kabzeel siya, at ang ama niya ay si Jehoiada. Marami siyang kabayanihang ginawa, kabilang na rito ang pagpatay sa dalawang pinakamahuhusay na sundalo ng Moab. Minsan, kahit umuulan ng yelo, bumaba siya sa pinagtataguan ng leon at pinatay ito. Bukod dito, pinatay niya ang isang napakalaking Ehipsiyo na may armas na sibat, habang isang pamalo lang ang armas niya. Inagaw niya ang sibat sa Ehipsiyo at ito rin ang ipinampatay niya rito. Ito ang mga ginawa ni Benaias na anak ni Jehoiada. Naging tanyag din siya gaya ng tatlong matatapang na tao, ngunit hindi siya kabilang sa kanila. At dahil mas tinitingala siya kaysa sa kanyang tatlumpung kasama, ginawa siyang pinuno ni David ng kanyang mga personal na tagabantay.
Ito ang iba pang miyembro ng tatlumpung matatapang na tao:
si Asahel na kapatid ni Joab;
si Elhanan na anak ni Dodo na taga-Bethlehem;
sina Shama at Elika na taga-Harod;
si Helez na taga-Palti;
si Ira na anak ni Iques na taga-Tekoa;
si Abiezer na taga-Anatot;
si Mebunai4 na taga-Husa;
si Zalmon na taga-Ahoa;
si Maharai na taga-Netofa;
si Heleb5 na anak ni Baana na taga-Netofa;
si Itai na anak ni Ribai na taga-Gibea, na sakop ng Benjamin;
si Benaias na taga-Piraton;
si Hidai6 na nakatira malapit sa mga daluyan ng tubig sa Gaas;
si Abi-albon na taga-Arba;
si Azmavet na taga-Bahurim;
si Eliaba na taga-Saalbon;
mga anak ni Jasen;
si Jonatan na anak ni Shama na taga-Harar;
si Ahiam na anak ni Sharar7 na taga-Harar;
si Elifelet na anak ni Ahasbai na taga-Maaca;
si Eliam na anak ni Ahitofel na taga-Gilo;
si Hezro na taga-Carmel;
si Paarai na taga-Arba;
si Igal na anak ni Natan na taga-Zoba;
ang anak ni Haggadi;8
si Zelec na Amonita;
si Naharai na taga-Beerot (ang tagadala ng armas ni Joab na anak ni Zeruias);
sina Ira at Gareb na mga taga-Jatir;
at si Urias na Heteo.
Silang lahat ay tatlumpuʼt pito.
Source notes (8)
- Footnote Tatlo : Tumutukoy ito sa Tatlong matatapang na tauhan ni David.
- Footnote sa Pas-damim : Sa Hebreo, doon. Tingnan sa 1 Cro. 11:13.
- Footnote Tatlo : Ito ang nasa karamihang manuskritong Hebreo. Sa ibang manuskrito at sa ibang naunang salin gaya ng Syriac, tatlumpu.
- Footnote Mebunai : O Sibbekai.
- Footnote Heleb : O Heled.
- Footnote Hidai : O Hurai.
- Footnote Ganito sa ibang manuskrito. Tingnan din ang 1 Cro. 11:34; sa Hebreo, wala ang salitang anak ni.
- Footnote anak ni Haggadi : O Bani na taga-Gad.
Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible 2025. Copyright © Biblica, Inc. Licensed under CC BY-SA 4.0. Source: Open.Bible. Typeset from the source files; no intended changes to scripture wording. BibleKenya is not endorsed by the rights holder.
Full source notice & licence · CC BY-SA 4.0 · SourceEdition imported 2026-11-09.